Saturday, December 4, 2010

Una

This is my first attempt to express myself in Filipino. Thanks to my course, Retorika, I'm forced to do the same sh*t every single day.
_____________________________________________________________

Habang halos sinisira ng malakas na musika ang aking mga tenga, ako ay nakaupo dito sa gitna ng bulwagan ng isang malaking gusali. Tanaw ko ang mga bus na unti-unting napupuno ng mga taong pauwi na galing sa isang mahabang araw sa trabaho. Ang mga tao sa aking paligid ay walang tigil sa paglalakad galing sa kung saan man at patungo sa kani-kanilang destinasyon. Samantalang ako ay nakaupo lang, inaaliw ang sarili sa pakikinig ng musika habang hinihintay ang aking mga kasama para sa isang pulong sa ikalawang palapag ng gusaling kinaroroonan ko.

Unti-unti akong kumalag sa realidad at hinayaang lumipad ang isip. Ano kaya ang itsura ko kapag tuluyan na akong nakapasok sa mundo ng mga propesyunal? Magiging tulad kaya ako nitong isang dumaan sa aking harapan na mistulang nilamon na ng pagod at pagkabalisa? O maging kagaya ako ng lalaking kakalabas lang sa gusali na animo'y walang iniisip na problema sa trabaho at laging nakakatulog ng mahimbing? Mabilis kaya akong yayaman? O tatanda ako na wala man lang maiiwang karangyaan sa aking pamilya? Masuwerte ako na kahit isang estudyante pa lang ako, kahit papaano, ay nasisilip ko na ang mundong naghihintay sa akin paglabas ko ng unibersidad. Hindi na ako makapaghintay. Gusto ko nang dumating ang araw na lehitimo na akong nagtatrabaho.

Biglang nawala ang musikang tumulong sa aking magdala sa gusto kong kinabukasan. Nawalan na pala ng baterya ang iPod ko. Bumalik na ako sa realidad. Kinuha ko ang aking telepono. Naku, huli na ako sa pagpupulong.

No comments:

Post a Comment